830

Sep 2, 2019 @ 13:56
By

Faeldon hindi magre-resign

Buo ang desisyon ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Nicanor Faeldon na hindi siya magbibitiw sa kanyang puwesto sa gitna ng kontrobersiya ng posibleng paglaya ni convicted rapist-killer Antonio Sanchez bunsod ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Sa joint hearing ng Senate blue ribbon and justice committees sa implementasyon ng GCTA law, harap-harapong tinanong ni Senadora Risa Hontiveros si Faeldon kung magbibitiw ito sa kabila ng kapalpakan sa pagpapatupad ng nasabing batas.

“Sa ganitong kaliwa’t kanan na kapalpakan, pagkukulang tungkol sa GCTA, mga importante pero simpleng tanong na mahirap sagutin dito sa komite na dapat alam na alam n’yo agad, kelan po kayo magre-resign sa inyong puwesto bilang BuCor head, Usec?” tanong ni Hontiveros.

Sagot naman ni Faeldon, “I respect the question of the honourable chair. (But) I would defer that question to the appoint authority.”

Muling tinanong ni Hontiveros si Faeldon kung dapat ba siyang mag-resign o hindi mag-resign sa kanyang puwesto na sinagot naman ng BuCor chief na, “I believe, no mam.”

Tinanong pa ni Hontiveros ang opisyal kung maayos nitong ginagampanan ang kanyang trabaho sa BuCor na sinagot naman nito ng, “Yes, mam.”

Binara naman ni Hontiveros ang pahayag ni Faeldon at sinabing lumalabas sa pagdinig na hindi niya nagagawang mabuti ang kanyang trabaho sa BuCor.

“So far, lumalabas sa hearing na ito would point to a different direction,” ayon kay Hontiveros.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?