71

Dec 18, 2017 @ 15:01
By

Faeldon, Balag magpa-Paskong nakakulong sa Senado

Magpa-Paskong detinido sa Senado sina dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon at Aegis Juris fraternity president Alvin Balag.

Pinagsarhan sila ng sesyon ng Senado na magbabalik sa Enero 13 pa.

SInabi ni Senador Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na bunga ito ng pagmamatigas ni Faeldon sa pagtangging humarap sa mga pagdinig ukol sa kinadadawitan nito na smuggling ng 600 kilo ng shabu at ng suhulan o tara system sa Bureau of Customs (BOC).

Ayon kay Gordon, magpapatawag siya ng pagdinig kung mag-aabiso si Faeldon na haharap ito pero kailangan ng desisyon ng lahat ng kasapi ng Blue Ribbon Committee kung pakakawalan na ito.

Sinabi naman ni Senador Panfilo Lacson, chairman ng Senate committee on public order, na walang ibang maaaring sisihin si Balag sa patuloy nitong pagkakabilanggo sa Senado kundi ang sarili nito.

Pakakawalan na sana si Balag noon pang Nobyembre 9 na pinakahuling pagdinig ukol sa pagkamatay sa hazing rites ng Aegis Juris fraternity ng estudyante ng University of Sto. Tomas (UST) na si Horatio ‘Atio’ Castillo III.

Naudlot iyon dahil nalaman ni Lacson na nagsampa si Balag sa Korte Suprema ng petition for certiorari at temporary restraining order kung saan kinuwestiyon ang otoridad ng Senado na siya ay ipakulong.

Hindi umano gusto ng Senado na matalo ‘by default’ kaya naman lalabanan nito ang petisyon ni Balag. Habang wala ritong resolusyon ang Korte Suprema, kulong ito sa Senado.

“If he didn’t file that petition before the SC questioning his contempt citation and detention, he would have been out of the Senate custody a long time ago. He only has himself and his lawyer to blame. I can’t release him on my own accord. His detention is collegial decision,” pahayag ni Lacson. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?