24

Sep 13, 2021 @ 12:15
By

Face-to-face classes para sa mga estudyante ng graduate school, payagan – Tolentino

Hiniling ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino sa Malacañang na payagan na ang limitadong face-to-face classes para sa mga mag-aaral sa graduate school at law school.

Ayon kay Tolentino, wala siyang nakikitang problema kung papayagan ng pamunuan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na muling ibalik sa face-to-face ang klase ng mga estudyanteng kumukuha ng post-graduate degrees basta’t silat bakunado na kontra COVID-19.

Aniya, karamihan sa mga mag-aaral na kumukuha ng post-graduate programs ay kabilang sa uring manggagawa at kwalipikadong bakunahan laban sa COVID.

Paliwanag pa ni Tolentino, mababa ang peligro kung papayagan ang mga post-graduate student na dumalo sa limitadong face-to-face classes basta’t lahat sila ay bakunado na at susunod pa rin sa mga minimum health protocols na inilatag ng awtoridad.

Dapat bakunado na rin ang mga faculty members at iba pang kawani ng mga kolehiyo at unibersidad bago payagan ang limitadog face-to-face classes para sa mga kumukuha ng post-graduate degrees.

Matapos ang masusing pagaaral ng Commission ng Higher Education (CHED), pinayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Pebrero ang limitadong face-to-face classes sa mga estudyanteng kumukuha ng kursong medikal at pangkalusugan.

Sa taya ng National Economic and Development Authority (NEDA), aabot sa P11-trilyon ang posibleng sapitin na lugi ng bansa sa loob ng susunod apat na dekada dahil sa isang taong walang face-to-face classes.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa panukalang P5.024-trillion 2022 National Expenditure Program (NEP), ipinaliwanag ni Socioeconomic Planning Sec. Karl Kendrick Chua na ang kawalan ng face-to-face classes ang makakaapekto sa pagiging produktibo ng mga magaaral sa oras na sila’y magsimula ng magtrabaho.

Iginiit din ng NEDA nitong Hunyo na dapat dahan-dahan na muling ibalik ang face-to-face classes para sa academic year 2021-2022, dahil matinding naapektuhan ang kalidad ng edukasyon sa bansa sa kasalukuyang hybrid/blending learning scheme.

Pabor din Tolentino sa suhestyon ng NEDA dahil talagang bumaba ang kalidad ng edukasyon, mapa sa undergraduate program o post-graduate studies dahil sa kwestyonable ang pagiging epektibo ng distance learning method, lalo pa’t hindi maaasahan ang serbisyo ng mga telcos sa lalawigan at liblib na lugar.

Una ng ipinanawagan ni Tolentino sa payagan ang unti-unting pagbabalik ng face-to-face clasess sa mga lugar na mababa or may zero COVID-19 infection rate.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?