21

Nov 29, 2021 @ 15:41
By

Face shield magbabalik ‘pag alert level itinaas – Galvez

Maaaring ibalik ang paggamit ng face shields kung sakaling tumaas muli ang Alert Level sa Metro Manila.

Tugon ito ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez sa harap ng nakaambang panganib ng Omicron COVID variant na nananalasa ngayon sa Ilang lugar sa South Africa at Europa.

Sa Laging Handa press briefing,sinabi ni Galvez na nasa protocols ng IATF na kapag tumaas ang alert level ay kinakailangang magsuot ng face shields.

Tinanggal lamang ang paggamit nito sa alert Levels 1,2, at 3 subalit ibinigay pa rin ang diskresyon sa mga employer at may-ari ng mga establisimento.

Malaki aniya ang naitulong ng face shields lalo na noong kasagsagan ng pananalasa ng Delta variant at napatunayan niya ito mismo sa buong panahon ng ginagawang pagtugon sa problema sa Delta Variant.

“Nasa ating protocols na kapag nagkaroon tayo ng higher alert levels ay pwede nating ibalik yang face shields. Ang amin pong pananaw lalo na sa DOH, kung ano ang additional protections na pwede sa atin ay gagamitin. Sa pagkaalala natin, malaki ang naitulong ng face shields na makontra natin yung paglaganap ng Delta,” ani Galvez.

Mismo aniya ang mga eksperto mula sa World Health Organization (WHO) ay naniniwalang nakatulong ang paggamit ng face shield bilang dagdag proteksiyon kahit ang Pilipinas lang ang gumagamit nito.

“Many experts even from The WHO, they believe na even though tayo lang ang gumagamit ng face shield, nakita natin bumagsak yung kaso dito sa Metro Manila,” dagdag ni Galvez. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?