20

Nov 20, 2021 @ 15:15
By

Face shield, bitbitin pa rin ‘pag lalabas – NTF

Pinayuhan ng isang opisyal ng National Task Force Against COVID-19 ang publiko na ugaliin ang pagdadala ng face shield tuwing lalabas ng bahay dahil may ilan pa rin umanong establisyimento ang nagpapatupad ng pagsusuot nito.

“Ito naman po ay bunga ng pagiging conscious natin, bilang proteksyon sa lahat. Huwag niyo pong imasama na tayo ay patuloy na nagpapagamit ng face shield,” pahayag ni NTF spokesperson Restituto Padilla.

“Kaya ang amin pong abiso, dalhin niyo lang po ang face shield niyo, kung sakali ipapagamit, eh di isuot niyo. Kung hindi naman, at nandoon kayo sa maayos na lugar, puwede niyo nang hawakan na lang o ilagay sa lalagyan,” dugtong pa niya.

Ang pahayag ni Padilla ay kasunod ng sinabi ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles na maaari pa ring ipasuot ng mga pribadong establisyemento at opisina ang face shield sa kanilang mga empleyado o kustomer.

Ito ay sa kabila ng pagluluwag sa panuntunan sa pagsusuot ng face shield na ipinatupad ng Inter-Agency Task Force.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?