132

Dec 17, 2017 @ 15:36
By

F2 Logistics import, naglaro sa finals kahit namatayan ng kapatid

Ikinubli ni F2 Logistics import Maria Jose Gonzales Perez ang pagdadalamhati nito bunga ng pagkamatay ng nakakatanda nitong kapatid upang tulungan ang Cargo Movers na makapagtala ng sariling kasaysayan sa pagwagi sa korona ng Philippine Super Liga Grand Prix Sabado ng gabi sa MOA Arena.

Ipinaalam mismo ni F2 head coach Ramil De Jesus ang situwasyon ng Venezuelan nitong import na si Perez nang maiuwi ang 25-20, 25-19, 20-25 at 25-18 panalo kontra Petron Blaze Spiker para kumpletuhin ang pag-ahon sa best-of-three na serye at iuwi ang pinakauna nitong titulo sa import-reinforced na Grand Prix conference.

“Saludo ako sa kanya, napaka-propesyonal niya,” sabi ni De Jesus kay Perez. “Hindi siya nagpakita ng anumang personal na problema niya sa amin. Nalaman ko lang noong sinabi sa akin ni Cha (Cruz) na namatay Biyernes ng umaga ang kanyang panganay na kapatid sa cancer,” sabi pa ng premyadong coach.

“Usually, kung tayo iyan ay apektado na tayo sa emosyon natin pero siya (Perez) ay sinabi niya kay Cha na huwag na sabihin para hindi maapektuhan ang team at magpo-focus din siya sa laro para matulungan kami na makuha namin ang panalo,” sabi ni De Jesus.

Ipinamalas ng dating miyembro ng Venezuelan national team na si Perez ang buong husay sa pagtatala nito ng 24 puntos na mula lahat sa atake upang tuluyang itulak ang Cargo Movers na makaahon mula sa nalasap na unang kabiguan sa serye tungo sa ikalawang titulo ng F2 logistics sa torneo.

Ang mahusay na paglalaro ni Perez ay nagbunga din upang kilalanin itong MVP sa torneo.

“Actually, hindi siya ang original choice namin as import but she was recommended to us by Lindsay (Stalzer). Medyo hindi pa maganda ang laro nila sa una but noong magamay na nila ang laro ng bawat isa ay talagang hindi na kami nahirapan para makabalik sa championships,” sabi pa ni De Jesus.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?