154

Dec 16, 2017 @ 19:44
By

F2 Logistics Cargo Movers tinanghal na 2017 PSL champions!

Nangalabaw si reinforcement Maria Jose Perez ng Venezuela upang akbayan ang F2 Logistics sa 25-20, 25-19, 20-25, 25-18 panalo kontra Petron Blaze sa do-or-die Game 3 finals at sikwatin ang korona sa Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Grand Prix kanina sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Natisod sa Game 1 ng kanilang best-of-three series, hinataw ng Cargo Movers ang Games 2 at 3 upang masungkit ang kauna-unahang PSL Grand Prix title.

Pormang wawalisin ng F2 Logistics ang Game 3 matapos magpakawala ng malulutong na kills si Perez, pero lumaban nang sabayan ang Blazers at nakahirit sila ng isang set.

Tabla ang iskor sa 18, pero humataw ang Blaze Spikers ng 6-1 run upang kapitan ang 24-19 at sikwatin ang panalo sa set 3 sa event na suportado ng Mikasa, Senoh, Mueller, Grand Sport, Island Rose, Cloudfone at UCPB Gen.

Subalit hindi na pinaporma ng Cargo Movers ang Blaze Spikers sa fourth set, matapos ang 16-11 bentahe sa second technical timeout, humarurot sila para tapusin ang laban.

Kumayod si Perez ng 24 points lahat galing sa spikes habang may 16 puntos si Cha Cruz.

Nag-ambag din si import Kennedy Bryan at local Mary Joy Baron ng tig-12 markers para sa Cargo Movers.

Si Hillary Hurley ang namuno sa opensa para sa Petron matapos magtala ng 25 pts.

Pangalawang titulo na ito ng F2 Logistics matapos mag-reyna sa 2016 All-Filipino Conference.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?