54
ABANTE sonny angara build marawi
Nov 7, 2018 @ 15:15
By

Express lane sa Customs para sa mga donasyon ipinalilikha ni Angara

Ipinatitiyak ni Senador Sonny Angara na hindi na mauulit ang pagkasayang ng mga donasyong pagkain at damit para sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda.

Nabulok at kinailangang ipasunog ang mga donasyon dahil limang taon halos na naimbak sa mga container van na hindi nailabas sa pantalan dahil sa problema sa Bureau of Customs (BOC).

Kaugnay nito, kinalampag ni Angara, bilang chairman ng Senate Committee on Ways and Means, ang BOC para ipatupad ang probisyon ng Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) kung saan ipinalilikha ang one-stop shop o express lane para sa mga donasyon mula sa ibang bansa para sa mga nasalanta ng kalamidad.

Nasa batas na bigyang prayoridad ang pagpapalabas ng mga foreign donation para sa mga biktima ng kalamidad.

“Malinaw sa batas na kapag tulong para sa mga biktima ng kalamidad, ito ay may tatak na ‘tax-free’ at ‘do not delay,’” ayon kay Angara.

Noong nakaraang buwan, sinabi ni Angara na nakakagalit na sinunog lang ang apat na container van na puno ng mga donasyon para sa mga nakaligtas sa super bagyong Yolanda na nanalasa noong 2013.

“Ang dapat sunugin ay hindi ang relief goods kundi ang mga regulations na nagpapatagal sa pag-release nito. Hindi na ito dapat maulit.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?