29

Oct 28, 2020 @ 20:08
By

Exemption kina Villar, Duque sa corruption probe kinuwestiyon ni Lacson

Kinuwestiyon ni Senador Panfilo Lacson ang muli na namang pagsusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang korapsyon sa buong pamahalaan dahil ilan sa mga kaalyado nitong opisyal ay tila inabsuwelto na nito.

Ayon kay Lacson, habang inihahayag ni Duterte ang pagbuo ng “mega” corruption task force, inabsuwelto naman nito sina Health Secretary Francisco Duque III at Public Works Secretary Mark Villar na aniya’y hindi sangkot sa korapsyon sa kani-kanilang mga ahensya.

“Maganda ‘yung move. Ang problema, at the outset mag-uutos ng mega task force to address corruption, in the same announcement meron na agad na mga exemptions. Para ang message is, ‘wag n’yong isama ito kasi hindi ito kasali’,” pahayag ni Lacson sa online interview ng mga reporter.

“Dun pa lang it has already started in the wrong foot. Kasi dapat kung dapat mega task force, dapat iko-cover lahat including lawmakers. Kasi no one is above the law. Pero bakit exempted dito, parang sinasabing ‘wag n’yong isama si Sec. Duque, ‘wag isama si Sec. Villar,” dagdag pa nito.

Sabi ni Lacson, hindi naman niya sinasabing sangkot sina Duque at Villar sa korapsyon subalit hindi aniya dapat silang protektahan sa anumang imbestigasyon.

“I’m not trying to say na ‘yung dalawa eh may kinalaman sa korapsyon, ‘no! Pero para magkaroon agad ng at the outset, meron agad na hindi dapat galawin, paano magsa-succeed ‘yung effort to curb corruption, ‘di ba dapat lahat isama?” sambit ng senador.

Nauna rito, nangangamba si Senador Francis Pangilinan na baka maaring gamitin ang binuong mega task force para gipitin ang mga taga-oposisyon.

“Okay ‘yan kung totoo at seryoso at pati malalapit na kaalyado hindi papaboran. Baka mga nasa oposisyon lang ang sasampahan ng kasong gawa-gawa lang,” sabi ni Pangilinan sa kanyang text message sa mga reporter.

Iginiit naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ang task force ay hindi awtorisadong maghain ng kaso sa Sandiganbayan laban sa opisyal ng gobyerno.

“The filing of any criminal case under the Anti-Graft and Corrupt Practices Act must be approved by the Ombudsman,” ani Drilon.

Pinuri naman ni Senador Christopher “Bong” Go ang pagbuo ng task force na siyang reresolba sa maraming alegasyon ng korapsyon sa ilang ahensya ng gobyerno.

“Kung papaano tayo magbabayanihan ngayon para labanan ang pandemya, magkaisa rin dapat tayo para puksain ang sakit na korapsyon sa ating sistema,” sabi ni Go.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?