28

Oct 10, 2017 @ 15:42

‘Excess fats’ sa budget, ilipat housing sector – Drilon

Tinawag na kawalan ng katarungan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang 70 % na tapyas sa budget ng housing sector.

Tinukoy ni Drilon ang P4.4 billion proposed 2018 budget para sa housing sector mula sa P15.3 billion ngayong taon.

Sa budget deliberations sa Senado, iginiit ni Drilon na gamitin ang “excess fats” sa panukalang P3.77 trillion 2018 national budget upang tugunan ang 1.2 million housing backlog sa bansa.

Iginiit ni Drilon na mahalaga ang pagpopondo para matugunan ang pangangailangan ng mahihirap at ang malaking cut sa budget para sa kanila ay maling polisiya.

Ayon kay Senador Joseph Victor “JV” Ejercito, ang mabagal na paggastos ang pangunahing dahilan ng pagbabawas ng budget sa National Housing Authority (NHA).

Hindi naman kumbinsido si Drilon sa naturang dahilan kasabay ng pahayag na hindi dapat isakripisyo ang taumbayan sa mga sinasabing kapalpakan.

“This is criminal neglect if we look at the budget of the housing sector,” pahayag ni Drilon.

Aminado naman si Ejercito na kung hindi matutugunan ang kailangang pondo ay posibleng lumobo sa anim na milyon ang housing backlog sa 2022.

“Backlog now is 1.2 million, ung immediate talaga na kailangang-kailangan as of the moment, if we do not increase the production, tataas pa ito,” saad ni Ejercito. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?