351

Mar 3, 2020 @ 16:02
By

Exam para sa driver’s license, isasalin sa iba’t ibang wika

Hindi na magiging limitado sa lengguwaheng Filipino at English ang ibinibigay na pagsusulit ng Land Transportation Office (LTO) para makakuha ng driver’s license ang isang indibiduwal.

Sa Department Order 2020-003 na pinirmahan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, inatasan niya ang LTO na maglabas din ng driver’s licensure exam na mababasa sa English, Filipino o anumang lengguwahe ng kukuha ng lisensiya.

Ayon kay Tugade, ito ang resulta ng naging dayalogo nila ni Davao Oriental 2nd District Representative Joel Mayo Almario.

“Sa isang pulong, hiningi ni Cong. Mayo na isalin sa iba’t ibang lengguwahe ang examination questions. Napakagandang suhestiyon niyan kaya bakit hindi natin tatanggapin at ipatutupad?,” saad ni Tugade.

Layon umano nito na bigyang konsiderasyon ang mga kukuha ng exam sa Visayas at Mindanao, at iyong hindi nakakaintindi ng English o Filipino.

“I instructed the LTO, all examinations shall now be done in English, Tagalog, or the local language of the examinee,” aniya.

“We have already created a team for each of the major dialects. The assigned team will translate the driver’s license examination. The translation will be checked by experts of the language to ensure that the terms are accurate and official,” dagdag pa ng LTO chief.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?