194
dead-body
By

Ex-US military nag-amok sa Talisay; 3 patay

Humantong sa krimen ang pag-aaway ng isang retiradong US marine officer at stepson dahil sa mga ari-arian sa Talisay City nitong Huwebes.

Ayon sa ulat, nag-ugat ang sigalot sa pagitan ni Dean Torrefranca at stepson na si Jedd Ybañez nang magtalo kung sino ang magmamay-ari ng bahay at dalawang kotse nila matapos mamatay ang asawa ng dating sundalo na si Delia.

Dakong alas-nuwebe umano ng umaga tinangkang makipag-ayos ni Ybañez at kapatid niyang si Boboy Omaña kay Torrefranca sa barangay hall pero hindi sila nagkasundo.

Naunang umalis sa barangay hall si Torrefranca pero dakong alas-11:00 ng umaga sinamahan ni Lawaan III Barangay Captain Jimmy Bartilic sina Ybañez at Omaña sa bahay ng suspek para muling kausapin ito.

Hinarap umano sila ni Torrefranca na armado na at nakasuot ng vest.

Agad tumakbo sina Bartilic at Ybañez nang mamaril si Torrefranca pero kapwa sila natamaan ng bala at namatay sa labas ng bahay.

Nagtago si Torrefranca sa ikalawang palapag ng bahay nang dumating ang mga pulis.

Dito na nagsimula ang shootout kung saan sinunog ni Torrefranca ang bahay.

Kalaunan ay natagpuan ng mga pulis ang sunog nang bangkay ng suspek pero sinabi ng mga ito na namatay sa shootout si Torrefranca.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?