Ex-UFC Champion Anderson Silva bagsak sa drug test, out na sa laban sa China

Sharing is caring!

Nasa balag ng alanganin ang career ni dating UFC middleweight champion Anderson ‘The Spider’ Silva matapos bumagsak sa USADA out-of-competition drug test.

Nagbunsod ito ng pagkakatanggal ng UFC legend sa main event ng UFC Fight Night 122 sa Shanghai’s Mercedes-Benz Arena laban kay Kelvin Gastelum na nakatakda sana sa Nobyembre 25, ayon sa MMAfighting.com.

Ito sana ang unang event ng UFC sa mainland China.

Inanunsiyo ng pamunuan ng UFC, na naka-iskedyul sana ang laban nito kay Gastelum ngunit nagpositibo ang A sample nito sa banned substance na kinolekta noong Oktubre 26.

Hindi naman tinukoy kung ano ang banned substance na ito.

Nananatili mang inosente dahil wala pang resulta ang kanyang B sample, sa polisiya ng show ay awtomatikong tanggal na ito sa laban.

Naghahanap na ngayon ang UFC ng makakatapat ni Gastelum.

Dahil sa paglabag sa Anti-Doping Policy sinuspinde na rin ang 42-anyos na si Silva ng USADA at posibleng maharap sa lifetime ban.

Nauna nang nasuspinde ng isang taon ang UFC fighter noong Enero 2015 ng Nevada Athletic Commission matapos na bumagsak din sa post-fight drug test para sa steroids drostanolone at androsterone sa laban nito sa UFC 183 katapat si Nick Diaz.

Itinanggi ni Silva na gumagamit siya ng performance-enhancing drugs, kung saan sinabi nito sa komisyon na ang steroids ay nagmula sa male-enhancement product sa Thailand.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?