28
more-fun

Ex-Tourism Sec. Jimenez, inireklamo ng katiwalian sa ‘It’s More Fun’ campaign

Sharing is caring!

Nagsampa ng reklamong katiwalian ang National Bureau of Investigation laban kay dating Tourism secretary Ramon Jimenez Jr., kaugnay sa P1.2-billion nitong advertisement campaign na “It’s More Fun in the Philippines” mula 2012-2014.

Sa sulat na natanggap ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales noong Abril 27, inirekomenda ng ahensiya na sampahan ng kaso si Jimenez sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Kasama sa inireklamo sina DOT Undersecretary Benito Bengzon Jr., ex-Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority chief operating officer Guiller Asido, ex-Special Bids and Awards Committee vice chairperson Evelyn Cajigal, dating Dentsu Philippines Inc. (DPI) president Ma. Nonna Nanagas at dating finance and administrative director Romelyn Martinez.

Nag-ugat ang reklamo mula sa sulat ni Tourism Promotions Board (TPB) chief operating officer Cesar Montano, na pinaiimbestigahan ang umano’y iregularidad sa TPB.

Base sa evaluation report ng NBI, naglaan ang DOT ng P200 million para sa Tourism Brand Campaign nito.

Ayon sa NBI, diskuwalipikado ang DPI na mapasama sa shortlist ng bidders dahil sa kabiguan na magsumite ng latest income tax return at audited financial statement.

Nagsumite ang DPI ng mga dokumento ng araw ding iyon kaya napasama sa bidders pero sabi ng NBI, hindi na dapat tinanggap ang DPI dahil idineklara na itong ineligible.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?