abante-tnt-vismin-buying-a-car
By

Ex-Southern Leyte gov, kinasuhan sa pagbili ng sasakyan

Sharing is caring!

Ipinagharap ng kasong graft sa Sandiganbayan ang nasibak na si Southern Leyte Governor Damian Mercado. Kaugnay ito ng umano’y maanomalyang pagbili ng tatlong segunda manong mga sasakyan noong alkalde pa siya ng Maasin City.

Kinasuhan ng Ombudsman si Mercado ng dalawang bilang ng paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Dawit din sa kaso ang noo’y City Administrator at Bids and Awards Committee (BAC) chairman na si Crispin Mendoza Arong Jr., sina City Legal Officer at BAC vice chairman Feorillo Abiera Demeterio Jr., City Engineer Anecito Felicilda Narit, General Service Officer Bejase Quirong Lumen, at Budget Officer Consuelo Segun Ladrera.

Ayon sa prosekusyon, nagsabwatan si Mercado at mga kapwa akusado noong 2007 para paboran ang Kojac Auto Repair Shop na pagmamay-ari ni Baltazar Avila Jr., sa pagbili ng tatlong service vehicles sa halagang P2.3 milyon para sa lokal na pamahalaan.

Tumanggap umano ang Kojac ng P1.5 milyon para sa Isuzu Wizard Wagon at Toyota Grandia noong Enero 10 at P800,000 para sa Mitsubishi Pajero noong Hunyo 20.

Pero labag umano ang transaksiyon sa mga probisyon ng Government Procurement Act partikular ang kawalan ng bidding at pagtukoy sa brand names.

Gayundin, ang useful life ng tatlong sasakyan ay mas mababa sa standard na limang taon na requirement sa ilalim ng Department of Budget and Management Budget Circular No. 446-A.

Inirekomenda ng Ombudaman ang P30,000 para sa bawat akusado sa kaso.

Nauna nang pinatawan ng dismissal si Mercado noong nakaraang taon.

Nahaharap din ito sa kasong falsification dahil sa umano’y pamemeke ng educational credential.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?