84

Dec 17, 2017 @ 12:15
By

Ex-Sen. Bong Revilla, humirit ng Christmas furlough

Hiniling ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Sandiganbayan na payagan siyang makasama ang pamilya sa Pasko at Bagong Taon.

Sa 3-pahinang petisyon, humirit si Revilla sa anti-graft court 1st Division na pahintulutan siyang mabisita ang pamilya sa Bacoor, Cavite mula December 24 hanggang 25 at December 31 hanggang January 1, 2018.

Nangako ang dating senador sa korte na hindi aabusuhin ang pribilehiyo kung pagbibigyan ang kanyang petisyon.

Ayon kay Revilla, gusto niyang makapiling ang pamilya sa mga tradisyon gaya ng pagsisimba at salo-salo sa Noche Buena at Media Noche.

Tutol naman sa hirit ni Revilla ang prosekusyon at iginiit na magbibigay ng masamang pagtingin mula sa mga ordinaryong preso kung pagbibigyan ang espesyal na pribilehiyo sa dating senador.

Nahaharap si Revilla sa kasong plunder dahil sa pagkakasangkot sa pork barrel scam.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?