71

By

Ex-pro Yap, Cervantes dudungisan ang Muntinlupa Cagers

Sharing is caring!

Mga Laro sa Miyerkoles:

(Muntinlupa Sports Complex)

7 p.m. – Imus vs Pasay

9 p.m. – Muntinlupa vs Manila

Masusubukan ang galing at tapang ng Muntinlupa Cagers sa oras na makaharap na nito ang isa pang powerhouse team na Manila Stars sa pagpapatuloy ng aksiyon sa MPBL Datu Cup sa Miyerkoles sa Muntinlupa Sports Complex.

Nanatiling malinis ang record ng Cagers matapos ang walong laro para mangibabaw sa Southern Division.

Magsisimula ang laro ng dalawang powerhouses bandang alas-nuwebe ng gabi.

Sa unang pagsalang ni Aldin Ayo bilang coach ng Cagers ay agad niyang pinanalo ang koponan pero magiging mahigpit na kalaban nila ang Stars ni coach Philip Cezar na pangungunahan nina Aris Dionisio, Chris Bitoon at mga dating pro-players na sina Roger Yap at Reil Cervantes.

Kasalukuyang nasa ikatlong pwesto ng Northern Division ang Manila na tangan ang 8-2 win-loss record.

Unang maghaharap ang Imus Bandera at Pasay Voyagers sa ganap na 7:00 pm.

Galing sa pagkakapanalo ang Pasay sa sarili nitong bahay noong huling laro nito habang ang Imus naman ay puntirya na maitala sa kanila ang four-game winning streak.

Kung sakaling manalo ang Bandera ay makakasosyo nito sa ikalimang pwesto ang Bacoor Strikers at Laguna Krah Heroes sa 6-4 na baraha.

Halos lahat ng koponan sa MPBL ay naghahangad na manalo, lalo na ngayong linggo dahil gaganapin ng MPBL ang kauna-unahan nitong dispersal draft at 10-day trading period mula Oktubre 14-24.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?