22
saf
By

Ex-PNP SAF officials nagsisihan sa naipit na allowance ng SAF troopers

Sharing is caring!

Nagpasahan ng sisi ang mga dating opisyal ng PNP Special Action Force (PNP SAF) kaugnay naantalang subsistence allowance ng higit 4,000 mga SAF troopers.

Sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs, itinuro ng dating hepe ng PNP SAF na si Police Director Benjamin Lusad ang kaniyang subordinate na si Police Senior Superintendent Andre Dizon, dating budget officer ng SAF.

Ayon kay Lusad, hindi niya alam na hindi naibigay ng regular noong 2016 at 2017 ang P900 kada buwan na subsistence allowance ng SAF Troopers dahil pinagtiwalaan niya si Dizon.

Sa alegasyon at sa sumbong na nakarating kay Senador Panfilo Lacson na nanguna sa Senate hearing, nasa P58.9 million pesos ang halaga ng naipong subsistence allowance na hindi naibigay sa SAF Troopers noong Pebrero 2016 hanggang Disyembre 2016 at at sa ilang buwan noong 2017.

Umano’y ginamit ang pera sa mga training at fellowship ng SAF na hindi naman dokumentado at walang liquidation.

Kinumpirma ni Lusad na gumastos sila sa fellowship at training ng SAF Troopers pero hindi umano niya alam na ang ginamit roon ay ang pondo para sa additional subsistence allowance (ASA) dahil lagi naman daw niyang tinatanong noon si Dizon kung may pondo para rito at positibo naman ang tugon.

Pero si Lusad ang inginuso ng kaniyang sinisisi na si Dizon.

Sa pagdinig din, sinabi ni Dizon na hindi niya ipinalabas ang budget para sa subsistence allowances dahil walang go-signal o clearance ni Lusad.

Sina Lusad at Dizon ay sinibak na sa kanilang pwesto at sinampahan na ng reklamo sa Office of the Ombudsman.

Kapwa nila akusado sa kaso ang mga finance officer at mga staff n ang itinuro rin ay si Dizon.

Nagtaka naman si Lacson kung bakit agad na nakapagbalik si Dizon ng P37 milyon nung hinanap ang budget para sa subsistence allowance.

Nadismaya si Lacson nung hindi masagot ni Dizon kung saan nito ura-uradang nakuha ang P37 milyon habang ayon kay Lusad, alam niyang may milyon-milyong itinatago ang kanilang unit pero hindi raw niya alam na iyon ay para sa subsistence allowance.

Sabi kanina ni Lacson, hindi dapat nililikot ang mess allowance. Maliit man ang P900 kada buwan, malaking bagay ito para sa SAF Troopers at sa kanilang pamilya.

Dumalo sa pagdinig si dating PNP Chief Ronald Bato dela Rosa na nalaman lang umano ang isyu sa naipit na allowances ng SAF troopers tatlong linggo bago siya magretiro mula sa PNP.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?