74

Oct 20, 2017 @ 18:42

Ex-PCGG chair Sabio, bigong mabasahan ng sakdal

Naudlot ang nakatakdang pagbasa ng sakdal kay dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) chairman Camilo Sabio ng dalawang dibisyon sa Sandiganbayan.

Babasahan dapat ng sakdal si Sabio sa Fifth Division kaninang umaga para sa kasong malversation of public funds at paglabag sa Article 216 ng Revised Penal Code kaugnay ng umano’y pagwawaldas ng mahigit P600,000 na cash advance nito para sa litigation at field operating expenses noong 2008 hanggang 2009.

Hindi natuloy ang arraignment dahil walang kasamang abogado si Sabio.

Kinahapunan, dapat ay babasahan din ito ng sakdal sa Fourth Division para naman sa kasong katiwalian dahil sa umano’y tangkang pag-impluwensya sa kapatid na mahistrado sa Court of Appeals para harangin ang temporary restraining order laban sa Government Security Insurance System (GSIS).

Naudlot din ito dahil wala ring abogado ang dating PCGG chairman.

Unang nag-withdraw ng appearance sa mga kaso ang abogado ni Sabio dahil ang engagement umano niya dito ay para lamang sa motion to reduce bail.

Ayon naman kay Sabio, hindi pa siya nakakakuha ng ibang abogado.

Itutuloy ang arraignment ni Sabio sa Fifth Division sa Nobyembre 17, 2017 at sa Fourth Division naman sa Oktubre 27, 2017. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?