96

Mar 8, 2020 @ 15:29
By

Ex-PBA import naka-quarantine dahil sa coronavirus

Urong muna ang Asean Basketball League debut nina Justin Brownlee at John Fields para sa Alab Pilipinas dahil sa pagka-quarantine ng isang dating PBA import sa coronavirus.

Ayon sa ABL, sa ngayon ay suspendido muna ang mga laro para sa susunod na linggo matapos na mapasama ang buong koponan ng Singapore Slingers sa isang flight kung saan mayroong pasahero na nagpositibo sa COVID-19.

Parte ng flight mula Malaysia patungong Singapore ang Slingers, kasama si dating Phoenix Fuel Masters import Jameel McKay, kung saan nakasakay din ang ika-113 kumpirmadong pasyente na may coronavirus ng naturang bansa.

Ang natamaan ng coronavirus ay isang French national na edad 42, at bilang precautionary procedure ay dalawang linggong naka-quarantine si McKay, pati ang teammate at Slingers staff para maobserbahan sa coronavirus.

Dapat sana’y tutulak ang Alab Pilipinas sa Singapore kontra sa Slingers ngayong Linggo, ngunit naudlot dahil sa nasabing report.

Kanselado din ang laro ng Alab sa Martes kontra sa Kuala Lumpur Dragons na gaganapin dapat sa Sta. Rosa Multipurpose Sports Complex sa Laguna.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?