47

Dec 15, 2017 @ 9:37
By

Ex-officials sa palpak na dengue vaccine, ayaw husgahan ni Duterte

Hindi pa handa si Pangulong Rodrigo Duterte para husgahan ang mga dating opisyal na idinidiin sa biniling sablay na dengue vaccine na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso.

Sinabi ng Pangulo na hindi siya eksperto kaya’t ayaw niyang isipin na ang mga naitalang batang namatay ay may kinalaman sa masamang epekto ng Dengvaxia vaccine.

Mayroon aniyang ginagawang imbestigasyon ang Senado at Department of Justice (DOJ) kaya’t bigyan ng pagkakataong mapakinggan ang panig ng mga dating opisyal na idinidiin sa kontrobersiya.

“I am not prepared to pass judgement. I can only inquire and hope that everything will give us the truth because anything here in this planet requires truth. The first instance na ano, sabihin mo na ang totoo para wala ka nang problema,” ang pahayag ng Pangulo.

Ngayong Huwebes ay nakatakdang humarap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III para ibigay ang panig sa kontrobersiyal na pagbili ng Dengvaxia vaccine.

Naniniwala ang Pangulo na hindi ikokompromiso ng kumpanyang Sanofi Pasteur ang kredibilidad at billion dollar business para magbenta ng mga depektibong bakuna at kung mayroon aniyang pagkakamali ay hayaang resolbahin ang kanilang problema, tutal aniya ay mayroong nag-iimbestiga kaya’t hayaan ang Kongreso na gawin ang trabaho.

“Ito namang manufacturer, it is a refutable company in the world of drug manufacturing. So I do not think that they will be ready to destroy a billion dollar business for just one lousy… if there’s a failure, let them sort it out. An independent investigation. Congress would do it,” dagdag pa ng Pangulo.

Naniniwala ang Presidente na maging si dating Department of Health (DOH) secretary Janet Garin, ay nagdesisyong bilhin ang gamot dahil sa paniwalang makakatulong ito sa mga may dengue at hindi nito ginustong mapahamak ang mga batang binakunahan ng Dengvaxia.

“Even Garin, I am not… sinabi kaya natin binili ‘yun because they believe… it’s good faith. If you really think in good faith that you are doing the right thing, nobody, but nobody can question you except your conscience,” anang Presidente. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?