64

Dec 5, 2017 @ 18:41
By

Ex-MNLF chair Sema, absuwelto sa graft

Pinawalang sala ng Sandiganbayan si dating Cotabato City mayor at dating Moro National Liberation Front chairman Muslimin Sema sa kasong graft kaugnay ng umano’y maanomalyang pagtatayo ng children’s park noong 2005.

Sa desisyon ng anti-graft court Third Division, nakasaad na nabigo ang prosekusyon na patunayang walang dudang nagkasala si Sema.

“Wherefore, premises considered, judgment is hereby rendered acquitting accused Muslimin Gampong Sema of the crime charged for failure of the prosecution to prove his guilt beyond reasonable doubt,” ayon sa korte.

Iniutos rin ng Sandiganbayan ang pag-alis ng hold departure order (HDO) at pagpapalabas ng kanyang P30,000 piyansa at P60,000 travel bond.

Inakusahan si Sema na ipinatayo ang Children’s Park sa Cotabato City kahit hindi ito kasama sa mga inaprubahang proyekto ng city council.

Ayon sa prosekusyon, dahil sa ginawa ni Sema ay nawaldas ang halagang P2.8 million sa gobyerno base sa pagtaya ng Commission on Audit.

Pero kinontra ito ng korte dahil hindi pa naman daw tapos ang buong proyekto at ang Children’s Park ay bahagi lamang ng Phase 1 ng P23-million master plan ng Cotabato City.

“This court cannot find any evidence to support the allegation of undue injury because the entire master plan has yet to be completed then,” saad sa desisyon.

“It has consistently been a principle in evidence that the prosecution evidence must stand or fall on its own weight and cannot draw strength from the weakness of the defense,” sabi pa sa ruling. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?