3,969

Nov 1, 2017 @ 15:23

Ex-mayor ng Lucena City, 3 iba pa kulong sa graft

Pinatawan ng anim hanggang walong taong pagkakakulong ng Sandiganbayan Third Division ang isang dating alkalde ng Lucena City at tatlong iba pa kaugnay ng P36 milyong automation project noong 2002.

Napatunayang guilty sa kasong graft sina dating Mayor Ramon Talaga Jr., city planning and development officer at technical evaluation committee chairperson Ofelia Garcia, city budget officer at bids and awards committee member Ester Matibag at assistant city treasurer at BAC member Mercedita Capulong.

Pinatawan din ang mga ito ng perpetual disqualification kaya bawal na silang magtrabaho sa gobyerno.

Ayon sa korte, iligal ang ginawa ni Talaga at ng iba pa nang ibigay ang kontrata sa Amelia Solutions, isang information technology company, dahil hindi ito dumaan sa competitive bidding.

Hindi binigyang-bigat ng korte ang argumento ng mga akusado kaugnay ng resolusyon na ipinasa ng Sangguniang Panlungsod para sa pagsasagawa ng limited source procurement kung saan kukuha na lamang ng supplier mula sa mga nauna nang pinili para hindi na magkaroon ng competitive public bidding.

“Because of the unjustified resort to limited source bidding, the invitations to submit proposals were directly sent to pre-selected companies, thereby depriving the City of Lucena the opportunity to obtain the most advantageous offer,” saad ng desisyon.

Hindi umano kasali ang limited source procurement sa mga listahan ng maaaring gamitin sa pagpasok sa kontrata.

“The law is clear, the procurement of supplies by local government units shall be done through competitive public bidding. The resort to limited source bidding is devoid of justification and was attended with gross inexcusable negligence,” ayon sa korte. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?