413

By

Ex-Maguindanao Gov. Sajid Ampatuan, hinatulan ng reclusion perpetua

Napatunayang guilty sa kasong graft, malversation at falsification of public documents ng Sandiganbayan 4th Division si dating Maguindanao Gov. Sajid Ampatuan kaugnay ng maanomalyang paggamit ng P38 milyong pondo noong 2009.

Nasentensiyahan siyang makulong ng walo hanggang 12 taon para sa graft, anim na buwan hanggang walong taon para sa falsification of public documents at reclusion perpetua o hindi bababa sa 40 taon na pagkakulong para sa malversation.

Hindi na rin siya maaaring magkaroon ng posisyon sa anumang public office at pinagbabayad ng multang P37.74 milyon.

Nag-ugat ang kaso ni Ampatuan at kapwa niyang akusado dahil sa “undue injury” umano na idinulot nito sa gobyerno dahil sa pagbili ng construction materials mula sa Abo Lumberyard and Construction Supply para sa repair ng school buildings sa Maguindanao.

Batay sa prosekusyon, hindi nangyari ang naturang pagbili dahil hindi umano nag-e-exist ang naturang supplier.

Iaapela naman umano ng kampo ni Ampatuan ang guilty verdict.

Maaari umanong makalaya si Ampatuan habang inaapela niya ang kaso pero dapat itong magbigay ng piyansa na P1.58 milyon.

Kasalukuyan nakalalaya si Sajid matapos maglagak ng surety bond sa multiple murder case niya kaugnay ng Ampatuan massacre noong Nobyembre 23, 2009.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?