84
arrested-arestado-huli
By

Ex-kapitan, drug courier huli sa P340K shabu

Arestado ang dating kapitan at ang sinasabing drug courier nito sa patuloy na isinasagawang anti-criminality campaign ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD).

Ayon kay QCPD Director, Police Brigadier General Joselito Esquivel Jr., naaresto ng mga operatiba ng Project 4 Police Station ang suspek na si dating barangay chairman Ediamin Maniri, alyas Boss, 40, residente ng Amaya Bldg., Deparo, Novaliches.

Nagsilbi ng tatlong termino bilang kapitan sa Barangay Towano Arangka sa munisipalidad ng Masiu, Lanao del Norte si Maniri.

Kasamang naaresto ni Maniri ang kaniyang kasamahan na sinasabing nagsisilbi bilang drug courier nito na nakilalang si Jamaluddin Pangandaman, 43, ng Brgy. Batasan Hills.

Batay sa pahayag, nakatanggap umano sila ng impormasyon kaugnay sa malakihang pagtutulak ng iligal na droga ni Maniri kaya isinailalim nila ito sa masusing pagmamanman at nang magpositibo ay saka sila nagsagawa ng buy-bust laban sa dating kapitan.

Dakong alas-11:00 ng gabi ay ikinasa ng mga awtoridad ang transaksiyon sa New Capitol Estates 1, Commonwealth Ave., Brgy. Batasan Hills.

Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang sachets ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000 at buy-bust money.

Nakapiit ang dalawang suspek sa Project 4 Police Station 8 habang inihahanda ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?