23

By

Ex-election supervisor Lintang Bedol, sinuspinde ng SC

Sinuspinde ng Korte Suprema si dating Maguindanao Election Supervisor Lintang Bedol na makapagpatuloy sa kanyang tungkulin bilang abogado.

Sa anim na pahinang desisyon na isinulat ni dating Associate at ngayo’y Chief Justice Diosdado Peralta, guilty sa kasong disbarment si Bedol kung kaya pinatawan ito ng isang taong suspensyon.

Si Bedol ay sinampahan ng disbarment case ng nagngangalang Mike Fermin na nagreklamo matapos matalo ang isang kandidato nila sa pagka-alkalde sa Kabuntulan, Maguindanao at hiniling sa Comelec en banc ang pagdedeklara ng failure of election at magdaos ng special election dahil sa nakita umanong dayaan.

Batay sa ruling ng SC noong Setyembre 16 ng kasalukuyang taon, napatunayan na nilabag ni Bedol ang umiiral na batas ng Comelec hinggil sa paggawad ng special elections.

Maliwanag na inabuso umano ni Bedol ang kanyang tungkulin at nilabag ang Canon 1 ng code of professional responsibility.

Sinang-ayunan ang desisyon ng mga associate justices tulad ni Marvic Leonen, Andres Reyes Jr., Ramon Paul Hernando at Heri Jean Paul Inting.

Sakaling maulit muli ang paglabag, sinabi ng SC na mahaharap si Bedol sa mas matinding kaparusahan.

Matatandaang kasama si Bedol sa mga kinasuhan ng electoral sabotage dahil sa pagmamaniobra sa 12-0 na panalo ng mga senatorial bet ni dating Pangulong Gloria Arroyo sa lalawigan ng Maguindanao noong 2007.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?