By

Ex-DOH Usec, ikinabahala rin ang maling paggamit ng Dengvaxia

Sharing is caring!

Nagpahayag ng pagkabahala ang dating opisyal ng Department of Health (DOH) sa maling paggamit ng bakuna kontra dengue na Dengvaxia na gawa ng Sanofi Pharmaceutical Company.

Paliwanag ni dating Health Undersecretary Dr. Susan Pineda-Mercado, may Formulary Executive Committee na binubuo ng mga dalubhasa sa Pharmacology ang dapat sana ay sumuri muna sa kung paanong paraan dapat epektibong gamitin ang Dengvaxia.

Ang kumite na iyon aniya ay nasa ilalim din ng DOH kaya nagtataka siya kung bakit hindi napag-aralan ng husto ang tamang administration ng nabanggit na bakuna laban sa dengue.

Paglilinaw ni Mercado, isang magandang uri ng bakuna ang Dengvaxia, pero ito ay dapat ibinibigay lamang sa mga bata o mga indibiduwal na dati nang tinamaan ng dengue at hindi sa mga ‘di pa tinamaan ng nasabing sakit mula sa kagat ng lamok.

Iginiit din ng dating opisyal ng DOH na sa panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada, kung pinairal lamang ang “check and balance” sa pagbili ng mga naturang medisina ay hindi sana pumalya ang implementasyon nito.

Ayon kay Mercado, may tamang proseso bago ipasok sa national immunization program ang isang bakuna katulad ng anti-dengue vaccine.

Nagtataka naman si Mercado kung bakit nanguna ang Pilipinas sa mga bansang gumamit ng Dengvaxia.

Nabatid na P3.5 bilyon ang pondong iginugol ng gobyerno sa pambili ng naturang bakuna. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?