33
sherwin-gatchalian
Feb 22, 2018 @ 15:57
By

Ex-DOH Sec. Ubial dapat managot din sa Dengvaxia mess – Gatchalian

Tulad ni dating Health Secretary Janette Garin, dapat ding managot si dating Health Secretary Paulyn Ubial sa pagkapahamak ng mga bata sa Dengvaxia.

Mariin itong sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na myembro ng Senate blue ribbon committee na nagsasagawa ng mga pagdinig ukol sa kontrobersyal na bakuna.

Ayon kay Gatchalian, lumitaw na hindi lang ipinagpatuloy kundi pinalawak pa ni Ubial ang pagtuturok ng Dengvaxia.

Isinakripisyo aniya ni Ubial ang buhay ng mga bata para lang manatiling kalihim ng Department of Health (DOH).

Noong kalihim si Ubial, nagpabakuna ang DOH ng mga bata sa Region 7 o Central Visayas.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Ubial na tutol din siya sa pagbabakuna ng Dengvaxia pero kinailangan niyang ituloy dahil sa “pressure” ng ilang konggresista.

Mariing sinabi ni Gatchalian na hindi sapat na dahilan ang pressure para kaligtaan ang kapakanan ng mga bata.

Bukod kay Ubial, dapat din aniyang managot ng Food and Drug Administration (FDA) at Philippine Children’s Medical Center (PCMC) dahil kasamang nag aprub ng dengue vaccination program.

Taliwas naman sa posisyon ni Senador Richard Gordon, abswelto si dating Pangulong Noynoy Aquino sa Dengvaxia mess para kay Gatchalian dahil hindi naman aniya ito doktor at umaasa lang sa payo ng doktor sa kaniyang gabinete.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?