190

Dec 4, 2017 @ 16:05
By

Ex-DOH Sec. Garin, dapat managot sa pagbili ng Dengvaxia – Atienza

Pinagpapaliwanag ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza si dating Health Secretary Janette Garin at iba pang opisyal ng gobyerno sa isyu ng pagbili ng Dengvaxia vaccines.

Ayon kay Atienza, dapat may managot sa kapalpakang ito dahil hindi biro na malagay sa alanganin ang kalusugan ng daang-libong bata na nabigyan ng anti-dengue vaccines.

“Hindi puwedeng makalusot ang insidenteng ito na 700,000 bata ang nanganganib ang buhay, na walang mangyayari dun sa mga nag-decide at nagpumilit na bumili ng gamot na ngayon ay lumalabas na nakakasama. Dapat managot siya, si Secretary Garin,” giit ni Atienza.

“Unang-una pera ng bayan ang ginamit dun at saka may mga warning na eh na huwag munang bumili, ipinilit nila,” dagdag ng kongresista.

Sinabi ni Atienza na kailangang maipatawag si Garin sa imbestigasyon sa bagay na ito.

Dagdag pa ng mambabatas, dapat sanaý ipinambili na lamang ang P3.5 bilyon ng gamot para sa ibang mga sakit gaya ng tuberculosis at hypertension.

Una rito, inamin ng pharmaceutical company na Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng Dengvaxia, na epektibo lamang ang bakuna sa mga taong nagka-dengue na pero delikado sa mga hindi pa nagkakasakit ng dengue pero nabakunahan na. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?