108

Dec 9, 2017 @ 14:22

Ex-DOH chief Ona, isinabit ni Garin sa Dengvaxia issue

Isinabit ni dating Health Secretary Janette Garin ang sinundan niyang opisyal na si Enrique Ona sa kontrobersiyal na dengue vaccine program.

Sa paliwanag ni Garin sa ABS-CBN News, sinabi nitong hindi nag-umpisa sa kanyang termino ang nasabing programa kundi sa noo’y Department of Health (DOH) chief na si Enrique Ona.

Aniya, Hunyo o Hulyo ng 2014 nang ianunsiyo ni Ona ang pagkakaroon ng libreng bakuna sa dengue sa taong 2015 ngunit sinabi nito na wala pang presyo at hindi pa ito napag-uusapan.

Kinumpirma rin nito na ang ginamit sa kontrobersiyal na immunization program ng pamahalaan na Dengvaxia ang siyang bakuna na kinonsidera ni Ona na gawa ng Sanofi Pasteur.

Matatandaan na naging usapin ang anti-dengue vaccine matapos sabihin ng Sanofi na may masamang epekto ang Dengvaxia sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue.

Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng naturang kagawaran ang anti-dengue vaccine issue na pangungunahan ng Task Force Dengvaxia na karamihan ng naturukan ay mga kabataan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?