84

Feb 10, 2018 @ 11:03
By

Ex-cop, tanod todas sa buy-bust

Isang dating pulis at isa ring aktibong barangay tanod ang kapwa napatay makaraang manlaban sa awtoridad nang makaramdam na pulis ang kanilang katransaksiyon sa bentahan ng iligal na droga sa magkahiwalay na anti-illegal drug operations sa bayan ng San Rafael at Malolos City, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Senior Supt. Romeo Caramat, Bulacan police director, ang napatay na sina dating SPO1 Roberto Domingo, residente ng Barangay Ulingao, San Rafael, at Jerico Pagadian, alyas Emong, tanod ng Barangay San Gabriel, Malolos City, na kapwa namatay bunga ng tama ng bala sa kanilang katawan.

Nabatid na bandang alas-11:15 ng gabi nang ipasailalim sa buy-bust operation ng kanyang dating kabaro ang dating pulis na si Domingo sa Barangay Ulingao, San Rafael ngunit nakatunog na pulis ang kanyang katransaksiyon kaya nanlaban ito at nagpaputok ng kanyang 9mm na baril kaya gumanti ang pulisya at napatay ang suspek.

Dakong alas-11:50 ng gabi naman nang magkasa ng isa pang buy-bust operation ang operatiba naman ng Malolos City police sa Barangay San Agustin, Malolos City at dito naman nanlaban ang barangay tanod na si Pagadian na bumunot ng kanyang caliber .38 revolver at napatay din sa palitan ng putok kung saan lumilitaw na dati nang sumuko sa Oplan Tokhang ang suspek ngunit nagpatuloy pa din sa pagtutulak ng shabu sa Malolos City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?