190

Oct 26, 2017 @ 15:16

Ex-Congressman Dumpit, kinasuhan ng graft sa PDAF scam

Nahaharap  sa panibagong pork barrel case si dating La Union Rep. Thomas Dumpit Jr.

Inihain ng Office of the Ombudsman  sa Sandiganbayan ang dalawang bilang ng kasong graft, isang bilang ng malversation at malversation through falsification laban kay Dumpit.

Kasama sa kaso ang apat na dating opisyal ng National Agribusiness Corporation(NABCOR) na sina Alan Javellana, Rhodora Mendoza, Romulo Relevo at Maria Julie Villaralvo-Johnson at Kasangga sa Magandang Bukas Foundation Inc. (KMBFI) project coordinator Marilou Antonio.

Inirekomenda ng Ombudsman ang P60,000 piyansa para sa two counts of graft, P200,000 para sa malversation through falsification at P40,000 para sa malversation o kabuuang P300,000 para sa bawat isa sa kanila kapalit ng pansamantalang kalayaan.

Base sa impormasyon, noong 2008 ay naglaan si Dumpit ng kabuuang P14.5 million pork barrel funds sa KMBFI para sa livelihood program ng mga magsasaka sa kanyang distrito sa La Union..

Gayunman, ginawa ito nang walang public bidding at hindi rin umano kuwalipikado ang NGO na magpatupad ng proyekto.

Ayon sa Ombudsman, gumawa ng mga pekeng dokumento an KMBFI para palabasing naipatupad ang livelihood projects ni Dumpit kahit ghost projects ang mga ito.

“The above acts by the accused public officials caused undue injury to the government as the livelihood projects turned out to be non-existent, thus allowing KMBFI to unduly profit from the fictitious transactions,” sabi sa reklamo. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?