21

Jul 30, 2020 @ 14:56
By

Ex-cong Ruben Ecleo timbog sa Pampanga

Naaresto ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si dating Dinagat Island Congressman Ruben Ecleo at isa pang kasamahan nito sa isinagawang operasyon sa Angeles City, Pampanga Huwebes ng madaling-araw.

Huwebes ng hapon iprinisenta ni NCRPO chief Major General Debold Sinas si Ecleo na tinagurian ding supreme leader ng kultong ng Philippine Benevolent Missionaries Association (PBMA).

Si Ecleo at ang kanyang kasamahan ay naaresto sa Diamond Subdivision, Balibago, Angeles, Pampanga dakong alas-4:30 ng madaling-araw.

Ayon kay Sinas, ang pag-aresto kay Ecleo ay sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act na inisyu ng Sandiganbayan First Division.

Ang driver ni Ecleo na kinilalang si Benjie Relacion Fernan alyas `Smile’ ay inaresto rin dahil sa pagkakanlong sa dating mambabatas o paglabag sa Presidential Decree 1829 (penalizing obstruction of apprehension and prosecution of criminal offenders).
Dinala sina Ecleo at Fernan sa NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

Nabatid na si Ecleo ang number 1 sa most wanted reward list ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na may P2 milyong pabuya para sa kanyang ikadarakip.

Matatandaang inutos ng korte ang pag-aresto kay Ecleo matapos mapatunayan noong 2006 na guilty sa graft and corruption kaugnay ng maanomalyang pagtatayo ng pampublikong palengke, gusali ng munisipyo at rehabilitasyon ng isang gusali na pag-aari ng kulto ng pamilya noong siya pa ang mayor ng San Jose, Dinagat Island, Surigao del Norte mula 1991 hanggang 1994.

Hinatulan siya ng 31 taong pagkakabilanggo.
Noong 2012, hinatulan din si Ecleo ng habambuhay na pagkabilanggo sa korte sa Cebu matapos mapatunayang guilty sa kasong parricide kaugnay ng pagpatay sa kanyang asawa na si Alona Bacolod-Ecleo sa kanilang bahay sa Cebu City noong 2002.

Sinakal ni Ecleo si Alona sa kanilang bahay sa Sitio Banawa, Barangay Guadalupe, Cebu City noong Enero 5, 2002. Natagpuan ang kanyang katawan makalipas ang tatlong araw.

Si Ecleo Jr. ay anak ni PBMA founder Ruben Ecleo Sr., na tinawag na divine master ng mga miyembro ng kulto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?