35

Dec 25, 2017 @ 18:37
By

Ex-con itinumba sa bisperas ng Pasko

Todas ang isang lalaki na kakalaya lang sa kulungan matapos ratratin ng dalawang lalaki na magkaangkas sa motor, sa bisperas ng Pasko sa Malabon City.

Sa ulat ni PO2 Junny Delgado, alas-2:15 ng hapon nangyari ang pamamaril sa kanto ng Kagitingan at Kaunlaran Sts., Barangay Muzon.

Ayon kay Kagawad Wilfredo Alejo, 60-anyos, nasa loob siya ng kanilang bahay nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril.

Inusisa niya ito at lumabas siya ng bahay at pagdating sa nasabing kanto ay laking gulat niya nang makita ang biktimang si Morris Galit, 36-anyos, walang hanapbuhay at residente ng Flores Street, Barangay Flores ng nasabing lungsod, na nakabulagta at tadtad ng bala sa ulo.

Namataan niya ang dalawang lalaki na sakay ng kulay pulang motor na walang plakang humaharurot palayo sa pinangyarihan ng krimen.

Dead on the spot ang biktima dahil sa tatlong bala sa ulo nito. Narekober naman ang tatlong empty shell mula sa ‘di pa batid na kalibre ng baril sa crime scene.

Hinala ng pulisya, may kinalaman sa iligal na droga ang pagpaslang kay Galit dahil sangkot din ito sa kalakalan ng droga sa lugar at nakulong na noong Marso 2016 ngunit nakalaya matapos na makapagpiyansa ng Marso 2017.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?