16

Jan 28, 2021 @ 13:15
By

Ex-con ‘di tinatanggap sa trabaho, nagnakaw na lang

Balik-kulungan ang isang ex-convict matapos mangholdap at manaksak ng isang lalaki sa Maynila.

Ayon sa suspek, walang tumatanggap sa kaniya sa trabaho kaya niya nagawa ang krimen.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Joemarie Labdin.

Sa isang CCTV video, makikita si Labdin at ang biktima nito na naghahabulan sa Bgy. 417, Martes ng hatinggabi.

Hindi na nahabol pa ng biktima si Labdin at doon niya nadiskubre na may saksak na pala siya sa kaniyang tagiliran.

Agad naman nahuli ang suspek sa isinagawang follow-up operation ng kapulisan at nabawi ang ninakaw na cellphone mula sa biktima.

“Dalawa sa tagiliran at isa sa kaliwang dibdib. Mabuti nga at hindi siya napuruhan, ayon sa doktor,” ani Police Major Val Valencia ng Sampaloc Police.

Depensa ni Labdin, wala siyang makuhang trabaho kaya nagawa ang krimen.

“Wala po kasi akong matinong trabaho sir, wala pong nagtitiwala sa akin kaya po ako gumagawa ng gano’ng bagay,” sambit niya.

Ayon kay Valencia, dati nang nakulong si Labdin sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.

Kasalukuyang nahaharap sa kasong pagnanakaw at pananaksak ang suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?