51

Dec 6, 2017 @ 14:52
By

Ex-Comelec chair Bautista, isa-subpoena ng Senado

Posibleng gamitin ng Senado ang kapangyarihan para piliting sumipot sa mga pagdinig nito si dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista.

Sinabi ito ni Senador Chiz Escudero, chairman ng Senate committee on banks and financial institutions, matapos isnabin ni

Bautista ang pagdinig kanina ukol sa diumano’y 35 accounts nito sa Luzon Development Bank (LDB) na nagkaroon ng halos P330 milyong deposito.

Sa patakaran ng Senado, maaari nilang i-contempt at ipaaresto ang tatangging humarap sa kanilang mga pagdinig-publiko.

Ayon kay Escudero, pagbibigyan pa niya si Bautista na magpadala ng paliwanag kung bakit hindi nakasipot sa pagdinig pero hindi na palalagpasin kapag umulit.

“Ang dami na niyang binitawang salita at hamon. Pati ‘yung kapatid niya hinihintay naming panindigan ‘yung binitawan nilang mga salita na magiging bukas sila sa imbestigasyon, na wala silang itinatago at magko-cooperate sila at mag-e-execute sila ng waiver,” ayon kay Escudero.

Kapag sumipot na si Bautista, sinabi ni Escudero na hihingan niya ito ng waiver sa Bank Secrecy Law na ipinangako nito sa isang pulong-balitaan na kusang ibibigay sa Senado.

Hanggang walang waiver, hindi maisasapubliko ng LDB ang mga impormasyon ukol sa paglalabas-masok ng salapi mula sa bank accounts ng dating Comelec chairman.

Itinakda ni Escudero ang ikatlong pagdinig ukol sa yaman ni Bautista sa Enero, 2018 kung saan iimbitahin din ang kapatid ni Bautista na si Martin.

Si Bautista ay nagsumite ng resignation letter kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto pero bumaba sa puwesto noong Oktubre. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?