168

Nov 14, 2019 @ 9:20
By

Ex-Chief Justice Bersamin, nakatanggap ng death threats

Nakakatanggap na umano ng mga death threat si dating Chief Justice Lucas Bersamin matapos niyang magretiro noong nakaraang buwan.

Naka-police blotter na ang banta sa kanyang buhay sa Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit noong Lunes.

Nangyari umano ang latest threat kay Bersamin noong Linggo habang sakay siya ng kanyang sasakyan pauwi ng bahay.

Dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang napansin ng mga bodyguard niya na sumusunod sa kanila sa Quezon Avenue hanggang makarating sila sa Commonwealth Avenue.

Isa sa security escorts niya ang pinaharurot ang kanilang sasakyan matapos makitang tinuturo ng back rider ang kanilang sasakyan.

Dalawang pagbabanta rin umano ang natanggap ni Bersamin sa telepono mula sa hindi kilalang mga indibiduwal matapos niyang magretiro noong Oct. 18 na hindi na niya idinetalye pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?