235

Aug 15, 2019 @ 18:24
By

Ex-Cebu Mayor Luisa Loot, hinatulang makulong ng 15 taon

Sa kulungan gugugulin ni dating Daanbantayan, Cebu Mayor Maria Luisa Loot ang 15 taon ng buhay niya matapos siyang sentensiyahan kaugnay ng livelihood project ng municipal government noong siya pa ang alkalde.

Magugunitang ang mister ni Maria Luisa na si dating Daanbantayan Mayor Vicente Loot ay kabilang sa narco list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa desisyon ng Sandiganbayan Seventh Division, hinatulang makulong ng anim hanggang walong taon sina Maria Luisa at dating councilor Samuel Moralde dahil sa graft at dalawa hanggang pitong taon naman para sa malversation.

Hindi na rin maaaring humawak ng anumang posisyon sa gobyerno ang dalawa at pinagbabayad ng P500,000.

Nag-ugat ang kaso nila dahil sa pag-grant ng loan na P500,000 sa isang private organization na RBA Quail Raisers Association noong 2007, kung saan dating chairman nito si Moralde.

Pumasok umano si Loot sa memorandum of agreement (MOA) sa RBA para siyang mag-finance sa quail egg farming operation nito bilang bahagi ng kanilang livelihood project.

Hindi umano aprubado ng Sangguniang Bayan ang naturang MOA habang hindi naman accredited organization ang RBA noong panahon na iyon. Nananatiling hindi nabayaran ang naturang loan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?