129

Oct 5, 2017 @ 15:26

Ex-barangay captain, patay sa ‘riding-in-tandem’

Isang dating opisyal ng barangay ng Lungsod ng San Juan ang patay matapos na pagbabarilin ng dalawang mga kalalakihan lulang magkaangkas ng iisang motorsiklo sa isang kalsada sa Lungsod ng Navotas kahapon ng madaling araw.

Kinilala ng Navotas City Police ang biktimang si Bernildo Ocampo, Alyas Totit, 64, dating Barangay San Roque Chairman, San Juan na nagtamo ng mga tama ng bala sa kanyang dibdib at iba pang bahagi ng kanyang katawan.

Sugatan naman ang kanyang tauhan na si Pompy Macario na mabilis na naisugod sa Tondo Medical Center ng mga sumaklolo sa kanilang residente.

Ganap umanong alas 4:30 pasado ng madaling araw nang maganap ang insidente sa M.Naval Street, Barangay Daang Hari ng nasabing lungsod.

Sakay ng iisang motorsiklo si Ocampo na naka-angkas ang kay Macario nang bigla siyang sabayan ng isa pang motorsiklo na sakay ang mga suspek.

Nang magkatapatan na ay doon na siya pinaulanan ng bala ng mga suspek.

Sa ngayon ay kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya, inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng mga salarin at kung ano ang posibleng motibo ng mga ito sa pananambang sa biktima. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?