10

Aug 8, 2020 @ 11:32

Ex-adviser ni Galvez: MECQ gawing isang buwan

Inirekomenda ng dating adviser ni National Task Force on COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na itodo o gawin nang isang buwan ang modified enhanced community quarantine sa Metro Manila at mga karatig lalawigan nito.

“We might need to extend MECQ for another two weeks while we build up health system bridging to arrival of vaccine in December or first quarter,” ayon kay Dr. Tony Leachon sa Facebook post nitong Sabado ng umaga.

Nauna rito, inihayag ni Chinese Ambassador Huang Xilian noong Biyernes, Agosto 7, na posibleng sa December o sa unang quarter pa ng 2021 magkaroon sila ng bakuna laban sa COVID-19.

Inaasahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bakuna na ibibigay ng China matapos itong ipangako sa kanya ni Chinese President Xi Jinping na prayoridad ang Pilipinas sa makakakuha sa kanila ng lunas sa COVID-19.
“Kung talagang MECQ ang gusto nila, isagad nila ng isang buwan tapos i-build up na `yong health care capacity. Magpa-flatten tayo ng curve,” pahayag pa ni Leachon sa hiwalay na panayam sa radyo Sabado ng umaga.
Matatandaang isinailalim ni Pangulong Duterte sa MECQ ang Metro Manila gayundin ang Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal hanggang sa August 18 dahil sa pagsirit ng mga COVID-infection sa mga nasabing lugar.

Sabi ni Leachon, mayroon pang pag-asa kahit numero uno na ang Pilipinas sa pinakamaraming aktibong kaso ng COVID-19 sa Southeast Asia.
Nirekomenda nito na dagdagan pa ang COVID testing sa positive rate 9.8%, kailangan pa ang maraming health care worker sa mga ospital, isolation facility at iba pang pasilidad para mabawasan ang mga namamatay at madagdagan ang mga nakarekober.

Subalit kailangan din aniyang bigyan ng mataas na suweldo ang mga health care worker.

Kailangan din aniyang makipag-partner ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa medical community para malutas ang krisis.

“IATF needs to partner with medical community to solve this crisis like in reference models eg Italy, Korea, UK, etc,” sabi ni Leachon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?