124

Oct 12, 2019 @ 17:48
By

Evaluation ng mga LGU sa road clearing, quarterly na – DILG

Matapos tawaging matagumpay ang nationwide road clearing, hindi pa rin umano maaaring magpakampante ang mga local government unit (LGU) dahil hindi nagtatapos sa 60 araw ang kailangang paglilinis at paggiba sa mga sagabal sa daan na kanilang nasasakupan.

Sa panayam sa undersecretary ng Department of Interior and Local Government (DILG) na si Jonathan Malaya, hindi umano nagtatapos sa taning na 60 araw ang kautusang paglilinis sa lansangan ng Pangulong Rodrigo Duterte, dahil kada ikatlong buwan ay mag-iikot ang ‘validation team’ ng ahensiya upang bantayan ang mga nasasakupang lungsod at munisipalidad ng mga pamunuan sa Metro Manila at mga lalawigan.

“Sinabi ni (DILG) Sec. Eduardo Año, hindi dito nagtatapos ang road-clearing operations. This is now a continuing program of DILG. Every quarter na kaming gagawa ng evaluation at grading system at ipo-post ang resulta nito through press conferences at sa aming mga social media accounts para malaman ng mga kababayan natin kung sino ang nag-improve at hindi nag-improve,” paliwanag ni Malaya.

Aniya, pupuntahan ng DILG ang mga LGU na hindi pumasa sa ‘road clearing,’ kaya hindi rin dapat magpakampante ang mga halal na lokal na pamahalaan na nakakuha ng mataas na ‘compliance rating,’ dahil magpapatuloy pa rin umano ang monitoring sa kanilang mga lugar.

Binigyang-diin din ng kalihim na kailangang magpaliwanag ng ilang LGU, sa loob ng limang araw, kung bakit hindi sila nakasunod sa mga road-clearing operation sa loob ng dalawang buwan, at kung hindi katanggap-tanggap ang kanilang ‘alibi’ o paliwanag ay kakasuhan sila sa Office of the Ombudsman.

Una nang inihayag ng DILG na may 97 LGU na bagsak sa ‘clearing ops’ nationwide, mula sa Region I hanggang 13, MIMAROPA at CAR na kanilang padadalhan ng ‘show cause orders’ upang pagpaliwanagin kung bakit hindi nakasunod ang mga ito sa kautusan ni Duterte.

Sa Metro Manila, ang mga nakakuha naman ng “high compliance rating” ay ang Manila, Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon, Mandaluyong, Marikina, Navotas, Parañaque, Pasay, Valenzuela, Pateros, at San Juan.

Samantala, ang mga lungsod ng Muntinlupa, Pasig at Quezon City ay binigyan lamang ng gradong “medium compliance rating,” at tanging ang lungsod ng Taguig ang nakakuha ng “low compliance rating.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?