95
european-parliament
By

European Parliament, binuweltahan ng Palasyo dahil sa pakikialam sa PHL

Binatikos ng Malacañang ang European Parliament dahil sa pakikialam sa mga panloob na isyu ng Pilipinas partikular sa usapin ng anti-drug war, pagkakulong ni Senadora Leila de Lima at ang pagkasali ng pangalan ni United Nations Special Rapporteur Victoria Tauli Corpuz sa terror list.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, malinaw na panghihimasok ang ginagawa ng European Parliament sa gobyerno gayong hindi naman estado ng Europe ang Pilipinas.

Nakakalungkot aniyang paulit-ulit na ginagamit ang isyu ng maramihang pagpatay umano sa drug war kahit pa hindi naman ito tama.

“We find it unfortunate that members of the European Parliament once again interferred with the affairs of the Philippine state, rehashing issues and baseless claims that have been adequately explained by the government in several official statements. We reiterate that the Philippine administration under President Rodrigo Duterte does not engage in the so-called extrajudicial killings,” ani Roque.

Hinamon ng kalihim ang European Parliament na magpakita ng ebidensiyang 12,000 ang namatay sa drug war at kung saan kinuha ang kanilang datos.

Batay sa resolusyon ng European Parliament, hiniling nila sa gobyerno sa tapusin na ang drug war, iginiit din na palayain na si Senadora Leila de Lima at alisin ang pangalan ni Corpuz sa terror list.

Sa kaso aniya ni De Lima, sinabi ni Roque na dumaan sa proseso ang demanda sa kanya kaugnay sa iligal na droga at dalawang beses na pinagtibay ng Korte Suprema ang legalidad ng demanda nito matapos ibasura ang motion for reconsideration ng kanyang mga abogado.

“The arrest and detention of Senator Leila de Lima on illegal drug charges which follows strict legal procedures has even been declared legal with finality by the Supreme Court of the Philippines. Ngayong linggo lang po ito, Korte Suprema na ang nagbasura noong motion for reconsideration ni Leila De Lima na kinukuwestiyon iyong legalidad ng information laban sa kaniya. Ano pong gagawin natin? Korte Suprema na nagsabi, dalawang beses; hindi lang isang beses na legal ‘yan,” dagdag pa ni Roque.

Sa isyu naman ni Corpuz, sinabi ng kalihim na nasa korte na ang usapin at mayroon naman itong pagkakataon na patunayan sa hukuman na hindi siya terorista, at hayaang ang korte na ang magdesisyon nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?