85

Oct 25, 2017 @ 13:07

EU nagmamalinis, nagmamarunong, nagmamagaling – Honasan

Suportado ni Senador Gregorio Honasan ang pagbasura ni Pangulong Duterte sa alok na tulong- pinansyal ng European Union (EU) , kahit ang tulong para sa Marawi City.

Bukod sa ito ay presidential prerogative o diskarte na ng Pangulo, sinabi ni Honasan na tama lamang na tanggihan ang tulong kapag galing sa bansa o grupo ng mga bansa na nakikialam sa pamahalaang Pilipinas.

“Kailangan talaga natin ang tulong pero not at the expense of our national pride and patrimony. Tayo hindi nakikialam sa kanila, bakit sila nakikialam sa atin?” pagtukoy ni Honasan sa EU.

Matatandaang nagngitngit si Pangulong Duterte sa EU dahil sa pagbatikos ng mga mambabatas mula sa EU sa kaniyang war on drugs at pati sa pagpapakulong kay Senadora Leila de Lima.

“Nagmamalinis sila, nagmamarunong, nagmamagaling nang hindi naman. Linisin muna nila ang sarili nilang bakuran bago manghimasok sa atin.Tinatakot at sinusuhulan pa tayo.” pahayag ni Honasan na kaibigan ng Pangulo.

Ayon naman kay Senador Kiko Pangilinan, pangulo ng Liberal Party, nasa pagpapasya ng Pangulo ang pagtanggi sa tulong ng ibang bansa.

Kailangan lamang umanong masiguro na maibabangon ang Marawi kahit wala ang tulong mula sa ibang bansa.

“Prerogative niya yan being the chief architect ng ating foreign policy. Dapat lang na tiyakin na magiging maayos ang rehabilitasyon ng Marawi at mapondohan ito kahit hindi tinatanggap ang tulong mula sa EU,” sabi ni Pangilinan. Isaac Mendez

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?