108

Dec 11, 2017 @ 12:33
By

Estudyanteng naturukan ng Dengvaxia, tututukan ng DepEd

Upang mabawasan ang pangamba ng mga magulang ng mga kabataang naturukan ng Sanofi Pasteur’s dengue vaccine, nagpalabas ng kautusan ang Department of Education (DepEd) na alamin upang ma-monitor ang mga mag-aaral na naisailalim ng Dengvaxia vaccine.

Ayon kay DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones, malinaw na nakasaad sa Memorandum No. 199, series 2017 o DM 199 na kailangang isailalim sa monitoring and surveillance ang mga mag-aaral na nabakunahan ng Dengvaxia vaccine.

Katuwang ng DepEd ang Department of Health (DOH) at Department of Interior and Local Government sa pamamagitan ng local government units, sa pag-implementa ng monitoring and surveillance system upang masiguro ang kalagayan ng mga mag-aaral sa National Capital Region, Regions 3, 4A, at 7 na kung saan sila ang nakatanggap ng unang bakuna mula sa proyekto ng nagdaang administrasyon na sinasabing makagagaling umano sa sakit na dengue subalit wala pa naman kasiguruhan ang naturang gamot, batay sa pagsisiyasat ng World Health Organization (WHO).

Samantala, nakatuon din ang pansin ng DepEd at DOH sa iba pang rehiyon na nabakunahan din ng Dengvaxia sa private at public schools mula sa pribadong doktor o sa community-based vaccination.

Inaatasan ang lahat ng school administrators at school health personnel na alamin ang mga batang mag-aaral na nabakunahan upang maisama sila sa programa.

Kaugnay nito, pinapayuhan din ang mga magulang na makipagtulungan sa mga paaralan upang malaman ang dapat na gawin sakaling kasama ang kanilang anak sa mga nabakunahan ng Dengvaxia vaccine. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?