3,323
patay-dead-body
Dec 28, 2017 @ 9:10
By

Estudyante patay sa riding-in-tandem sa Paranaque

Patay ang isang estudyante at tatlo pa ang malubhang nasugatan sa magkahiwalay na pamamamaril na isinagawa ng mga kriminal na riding in tandem sa Parañaque City.

Sanhi ng apat na tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril ay namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Karl Anthony Nunez, 20, binata, estudyante sa hindi binanggit na paaralan, at nakatira sa No. 411 Pajero St., Culdesac, Brgy. Sun Valley ng naturang lungsod.

Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng madaling-araw sa harapan ng bahay ng biktima sa naturang lugar.

Habang nakatayo si Nunez, ay biglang dumating ang isang motorsiklong walang plaka na magkaangkas ang dalawang kalalakihan.

Isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at sabay na pinutukan ang biktima.

Kahit may tama na ang biktima ay nagawa pang makatakbo, subalit hinabol pa ito ng mga suspek at patuloy itong pinagbabaril hanggang sa binawian ng buhay.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek.

Samantala, ginagamot naman sa Taguig-Pateros District Hospital ang mga biktimang sina Carlos Laporteza, 48, isang tricycle driver, nakatira sa Purok 5, Brgy. Bagong Tanyag; Jonathan Mota, nasa hustong gulang; at isang aliys ‘Boboy’, kapwa taga-Daang Hari, Taguig City.

Ang mga biktima ay nagtamo ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa kalibre .9mm na baril.

Sa report ng Taguig City Police, naganap ang insidente ng alas-kuwatro ng madaling-araw sa Sitio De Asis, Brgy. San Martin De Porres, Parañaque City.

Habang nagsusugal ng cara y cruz ang mga biktima, ay biglang dumating ang hindi kilalang lalaki at pinaulanan ng bala ang mga ito at pagkatapos ay mabilis na tumakas.

Ang mga biktima naman ay mabilis na dinala ng rescue team sa naturang ospital.

Naka-recover ang pulisya ng 11 basyo ng bala ng kalibre .9mm na baril.

Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation ang mga kagawad ng Parañaque City police sa naturang insidente at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng mga suspek. (Armida Rico)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?