317

Feb 6, 2019 @ 14:50
By

Estudyante nalunod sa Manila Bay

Inoobserbahan sa Ospital ng Maynila ang isang Grade 6 student matapos muntikang mamatay matapos malunod sa Manila Bay sa Roxas Blvd., Maynila kahapon.

Nakaratay sa Intensive Care Unit ang biktimang si Rhianne Janiel Soriano, 11, taga-Malate, Maynila.

Nalaman na lang umano ni Marivic ang sinapit ng anak nang ipaalam ito sa kanya ng mga kaibigan nito na kasamang naligo sa may Baywalk dakong alas-singko ng hapon.

Hindi umano nagpaalam sa kanya ang anak na pupunta sa Baywalk na malapit lamang sa kanilang tinitirhan.

Naligo pa rin ang biktima at mga kaibigan nito sa kabila ng pagbabawal ng lokal na pamahalaan ng Maynila na bawal ang pagligo sa Manila Bay.

Nang masagip ang bata ay nagsusuka raw ito at matigas ang katawan.

Ayon kay Marivic, huwag umano sana siyang husgahan dahil hindi naman niya gusto ang nangyari sa anak at pabor rin ito na lagyan ng bakod ang Manila Bay para hindi na ito mapagliguan ng mga bata.

Kasabay nito, humihingi si Marivic ng pinansiyal na tulong para sa pagpapagamot ng anak.

Kaugnay nito, naglagay naman ng mga babala ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa Manila Bay na bawal itong pagliguan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?