61

Dec 30, 2019 @ 16:57
By

Estudyante nalunod, resort kakasuhan

Hindi na lumutang pa mula sa ilalim ng pool ang 11-anyos na batang lalaki matapos na mag-swimming kasama ang ilan niyang menor de edad na mga pinsan sa isang resort sa Quezon City, Linggo ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si John Rex Billones Azarcon, 11, Grade VI student at residente ng Kayomito St., Camarin, Caloocan City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi (December 29) sa Acqua Boy Resort na matatagpuan sa Zabarte Subdivision, Brgy. Kaligayahan, QC.

Ayon sa pulisya, nagtungo ang biktima kasama ang kaniyang mga pinsan sa nasabing resort para mag-bonding at maglibang gamit ang kanilang perang napamaskuhan.

Nang magutom ay umaahon na umano ang magpipinsan upang kainin ang baon nilang pagkain subalit napansin nila na nawawala si Azarcon.

Halos ilang minuto na umanong nilibot ng magpipinsan ang buong resort subalit nang hindi nila mahagilap ang biktima ay humingi na umano ang mga ito ng saklolo sa mga nangangasiwa ng resort.

Agad namang sumisid sa pool ang isang nakilalang Richard Galindez at sa ilalim ay nakita ang bata na nakalubog kaya mabilis niyang iniahon ito at dinala sa Commonwealth Hospital subalit idineklarang dead on arrival ni Dr. Dan Evangelista bandang alas-12:00 ng hatinggabi.

Inihahanda na ang kaso laban sa may-ari at mga nangangasiwa dahil sa pagpapahintulot sa mga bata nang walang kasamang matatanda na mag-swimming sa nasabing resort.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?