376
Estudyante nagbigti sa bintana
Jul 17, 2019 @ 17:16
By

Estudyante nagbigti sa bintana

Halos himatayin ang lola ng 15-anyos na dalagita nang makitang nakabigti ng sinturon sa bintana sa loob ng kaniyang silid ang kaniyang apo sa Barangay Baesa, Quezon City, Martes ng gabi.

Kinilala ni P/Captain Juan Mortel ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District ang biktima na si Hannah Kate Argao, 15, Grade 10 student at residente ng Saint Dominic Drive ng nasabing barangay.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSgt. Bienvenido Ribaya III, ng CIDU-QCPD, natagpuan ang nakabigting biktima sa loob ng kaniyang silid ng kaniyang lola na si Elisa Argao alas-8:45 ng gabi (July 16).

Sa pahayag umano ng lola ng biktima, tatawagin umano sana niya ang apo para mag-dinner subalit naka-lock ang pintuan ng silid nito.

Dahil dito kumatok umano ang lola sa silid ng apo subalit halos ilang minuto na ay hindi pa rin nagbubukas ng pinto ang biktima kaya napilitan na siyang puwersahang buksan ito at doon ay bumungad sa kaniya ang nakabigting dalagita.

Agad na humingi ng saklolo ang lola sa kaniyang mister na si William at mabilis na tinanggal ang pagkakatali ng sinturon sa leeg ng kanilang apo saka isinugod sa Quezon City General Hospital subalit binawian din ito ng buhay alas-9:35 ng gabi, ayon kay Dr. Meri Fenly Sagad.

Hindi naman masabi ng lola at lolo ng biktima kung ano ang dahilan ng pagpapakamatay ng kanilang apo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?