166

By

Estudyante bigyan din ng discount sa pagkain, gamot – Angara

Dahil may diskuwento na sa pamasahe ang mga estudyante, itinutulak naman ngayon ni Senador Sonny Angara ang panukalang mabigyan sila ng discount sa pagkain, gamot, mga gamit sa eskuwelahan at iba pa.

“Libre na ang matrikula ng mga estudyante at ngayon may diskuwento na din sila para sa kanilang pagbibiyahe. Napapanahon na bigyan din sila ng tulong sa iba pa nilang mga gastusin,” sabi ni Angara sa kanyang inihaing Senate Bill 132 o Underprivileged Student’s Discount Act of 2019.

Sa ilalim ng panukala, pagkakalooban ng limang porsiyentong discount ang mahihirap na estudyante sa basic at education services, naka-enroll man sila sa public, private school o non-degree technical-vocational courses.

Sakop din ng panukala ang pagbibigay ng discount sa food establishment sa bansa, gayundin ang gamot, libro at iba pang school supplies; tuition, miscellaneous at iba pang bayarin sa mga eskuwelahan. May diskuwento din dapat sa museum, theater at cultural events.

“Hindi biro ang gastusin ng mga magulang at estudyante para sa kanilang edukasyon. Marami sa ating mga estudyante ay hindi nakakapagtapos sa kanilang pag-aaral dahil sa kakulangan sa pera,” ani Angara.

“Lahat ng klaseng tulong na matatanggap nila, gaano man kalaki o kaliit ay malayo ang mararating,” dagdag pa nito.

Ayon sa Commission on Higher Education, 30 hanggang 40 porsiyento ng ‘out-of-pocket expenses’ ng isang pamilya ay napupunta sa pambayad ng matrikula.

Ilan pa sa mga regular na pinagkakagastusan ng pamilya ay para sa pamasahe, pagkain, gamot, school supplies at miscellaneous school fees.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?