20

Estado ng K to 12 program, pinaiimbestigahan sa Kamara

Sharing is caring!

Naghain ng resolusyon ang ang Makabayan Bloc sa Kamara na humihiling na siyasatin ang estado ng implementasyon ng K to 12 program

Sa House Resolution 1887, sinabi ng pitong miyembro ng Makabayan na malaman ng publiko kung epektibo ba ang nasabing programa, sapul nang simulan ito dalawang taon na ang nakakaraan.

Ilang sa mga isyung dapat mabigyan ng update ay ang tungkol sa kakulangan ng mga classroom at mga school equipment.

“Ang House Resolution na ito ay sana makapag-imbestiga kung ano ang nangyari na dito sa mga graduate natin,” sabi ni ACT Teachers party-list Representative France Castro.

“Sinasabi ng Department of Education na tagumpay yung first batch ng K-12 pero ano na yung nangyari sa mga graduates nito? Saan na sila pupunta?” dagdag nito.

Nais naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na malaman kung nakakapagtrabaho na ang mga nagtapos ng K to 12.

“Sabi nila noon na kapag nakagraduate ka na ng senior high, puwede ka na magtrabaho,” sabi ni Zarate.

Pero sa katotohanan ngayon, wala namang tumatanggap ng graduate lang ng senior high. Dagdag-pasanin lang yun, dagdag-gastos,” dagdag nito.

“Dapat kung nag-aral sila, second year college na sila at dalawang taon na lang ay makapagtapos na sila ng kolehiyo. Pero ngayon, kung papalarin, papasok sila ng kolehiyo, apat na taon pa uli ang bubunuin nila,” sabi pa ng mambabatas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?